Posibleng magkaroon ng epekto sa magiging botohan sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang pagbabalik sa bansa ni Senator Loren Legarda, matapos ibaba sa 14 ang kinakailangang boto para sa conviction.
Ayon kay Atty. Francis Dominick Abril, magiging “make or break” si Legarda dahil maaari siyang makaboto sa isa sa apat na articles of impeachment, matapos siyang makalahok sa bahagi ng paglilitis bago siya umalis ng bansa. Aniya, iba ang magiging epekto ng kanyang boto sa isang article kumpara sa tatlong iba pa kung saan hindi siya nakalahok.
Maaari rin umanong magbago ang bilang ng mga senator-judge na pagbabatayan sa botohan kung makababalik at makalalahok si Legarda. Kasabay nito, sinabi ni Abril na mahalaga rin ang magiging posisyon ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, na hindi nakasaksi sa kabuuan ng mga testimonya at hindi pa nakapanumpa bilang senator-judge.
Sa ngayon, hindi pa matiyak ang magiging boto ni Legarda. Sinabi ni Abril na magiging mahalaga ang kanyang magiging desisyon pagbalik sa bansa, habang maaari ring makaapekto sa pagkamit ng 14 na boto ang magiging paninindigan ng ibang senador, kabilang si Senator Mark Villar.










