Hindi maituturing na malaking puntos ng prosekusyon ang pagharap sa Senate Impeachment Court ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte bilang hostile witness sa patuloy na paglilitis sa mga reklamo kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, Constitutional Law Expert at Political Analyst, walang inaasahang pag-amin mula kay Duterte na maaaring makapagpatibay sa kaso ng prosekusyon, lalo na kung ang mga tanong ay may kaugnayan sa kaniyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.
Nais ng prosecution panel na patunayan ang mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na kayamanan at hindi wastong pagdedeklara sa SALN ng bise presidente.
Isa umano sa nais patunayan ng prosekusyon kung may ownership o interes si Vice President Sara Duterte sa GenCorp Industries Inc. na nakakuha ng mga kontrata sa Davao City government.
Sa loob kasi ng ilang taon, ilang kontrata umano ang iginawad sa kompanya na siyang nag saayos sa city hall na nagkakahalaga ng humigit-kumulang dalawang milyong piso.
Ipinaliwanag ni Cera na na ito ay mistulang paglabag sa Article VII, Section 13 ng Konstitusyon, na nagbabawal sa ilang matataas na opisyal ng gobyerno na magkaroon ng financial o legal interest sa mga kontrata at transaksiyon ng pamahalaan.
Matatandaan sa impeachment trial, kinuwestiyon ng prosekusyon ang pahayag ni Mayor Baste na hindi niya kilala o sinuri ang mga may-ari ng GenCorp.
Dagdag pa ni Cera na ang posisyon ni Baste ay nasa ilalim ng tinatawag na Arias Doctrine, kung saan ang isang pinuno ng tanggapan ng gobyerno ay maaaring makatwirang umasa sa trabaho ng kaniyang mga subordinate, at hindi praktikal na personal na suriin ang bawat dokumento sa napakaraming transaksiyon










