DAGUPAN CITY- Hindi sinasang-ayunan ng transposrt sector ang pagbawi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa karagdagang pamasahe.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marlyn Dela Cruz, Presidente ng Busina, maaaring ikinakatakot ng gobyerno ang paghangad ng mga mananakay ng pagtaas ng kanilang sahod kung magkaroon man ng fare increase.

Aniya, nakikita naman nila sa mga mananakay na tanggap nila ang P1 hanggang P2 pagtaas ng pamasahe, bagkus, sila pa umano hindi na tumatanggap ng sukli upang makatulong sa mga tsuper.

--Ads--

Giit niya na hindi na dapat ito ipagdamot pa sa kanila at kung bumalik man sa normal ang presyo ng krudo, hangad nilang manatili ito dahil naman sa inflation.

Makikita naman umano na napapanahon na ang pagtaas ng pamasahe dahil sa pumapalo na sa higit P100 ang produktong petrolyo at nagsisitaasan pa lalo ang mga bilihin.

Hiling pa nila ang pagbaba sa presyo ng mga materyales para sa maintainance ng kanilang jeep kung bababaan ang kanilang boundary.

Samantala, mungkahi ni Dela Cruz sa gobyerno na isakatuparan ang programa na nagbibigay ng libreng sakay sapagkat parehong mananakay at tsuper ang makikinabang.

Sa pamamagitan nito, maaari silang bayaran ng gobyerno upang ihatid ang mga komyuter.

Dagdag pa ni Dela Cruz, kung hindi maglalatag ng epektibong tugon ang gobyerno ay maaaring umabot sa punto na tuluyang titigil ang operasyon ng pampublikong transportasyon.