Ibinahagi ni Jane Lee, asawa ng isang biktima ng extrajudicial killing (EJK), ang kanilang labis na kasiyahan matapos kumpirmahin ng Pre-Trial Chamber I ang mga kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Lee, hindi pa rin sila makapaniwala sa bilis ng naging desisyon. Agad din nilang sinuri kung anu-anong kaso ang tinanggap, lalo na’t kabilang ang kanilang mga isinampang reklamo. Labis ang kanilang pasasalamat nang makumpirmang lahat ng tatlong kasong kanilang isinulong ay tinanggap.

Nabanggit din niya na nagkaroon sila ng online na kumustahan kasama ang iba pang pamilya ng mga biktima. Nakatakda rin silang magsagawa ng press conference bukas, Abril 25, upang ilahad ang kanilang panig at mga susunod na hakbang.

--Ads--

Sa kasalukuyan, abala ang kanilang grupo sa pagtulong sa iba pang pamilya ng mga biktima upang mahikayat ang mga ito na lumantad at maitala ang kanilang mga salaysay. Layunin nitong lalo pang patibayin ang kaso.

Gayunpaman, nilinaw ni Lee na ayon sa kanilang grupo at sa National Union of People’s Lawyers, wala pang malinaw na plano para sa paglilitis. Aniya, kung kakailanganin, handa silang pumunta sa The Hague upang ipaglaban ang kanilang panig.

Sa kabila ng mga banta, panliligalig, at diskriminasyon na kanilang nararanasan—pati na ang pagdududa ng ilan sa kanilang ipinaglalaban—pinipili umano nilang huwag patulan ang mga ito. Isa sa mga banta na kanilang natatanggap ay ang posibilidad na sila umano ay balikan sakaling manalo si Vice President Sara Duterte sa pagkapangulo.

Nanawagan si Lee sa kapwa mga biktima na tumindig at ipatala ang kanilang mga karanasan upang tuluyang makamit ang hustisya at matuldukan ang matagal na nilang laban sa kawalang-katarungan.