Inihayag ni Jerome Adonis, Chairperson ng Kilusang Mayo Uno (KMU), na puspusan na ang paghahanda ng mga manggagawa para sa paggunita ng Labor Day sa Mayo 1. Inaasahan ang malawakang kilos-protesta sa Metro Manila at iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay Adonis, isinasagawa na ang serye ng mga aktibidad tulad ng press conferences at labor consultative assemblies na dinaluhan ng iba’t ibang grupo ng manggagawa, simbahan, at iba pang sektor. Kabilang sa kanilang pangunahing panawagan ang pagbasura sa oil deregulation law, pagtanggal ng VAT at excise tax sa produktong petrolyo, at pagpapababa ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Tinatayang aabot sa 15,000 hanggang 20,000 katao ang lalahok sa mga pagkilos sa Metro Manila. Makikibahagi rito ang iba’t ibang unyon at organisasyon, kabilang ang TUCP, Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Nagkaisa Labor Coalition, FFW, Workers Challenge, at NCL, pati na rin ang mga mula sa informal sector, urban poor, at transport groups.
Nakatakdang magtipon ang mga kalahok sa kahabaan ng España, mula Welcome Rotonda hanggang UST, bago magmartsa patungong Malacañang.










