DAGUPAN CITY- Galit at dismayado ang Bagong Alyansang Makabayan matapos ang di umano’y mabilisang pagtuldok sa mga inihaing impeachment complaints laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Raymond De Vera Palatino, Secretary General ng Bagong Alyansang Makabayan, inaasahan na nila ito dahil sa dominado ng kaalyado ng pangulo ang kamara subalit, hindi naman sila binigyan ng pagkakataon na magpresenta ng kanilang ebidensyang sumusuporta sa mga alegasyon.

Gayunpaman, hindi umano katanggap-tanggap ang desisyon ng kongreso dahil sa mas kinampihan nila ang pangulo kaysa sa sambayanang kanilang pinagseserbisyuhan.

--Ads--

Giit niya, sa kanilang sinuportahang impeachment complaint ng Makabayan Bloc, may diin ang mga alegasyon at napapatunayan ito sa mga insertions sa 2025 National Budget at paglobo ng unprogrammed appropriations.

Ito ay ang naging daan para kumita ang mga contractors sa tiwaling pamamaraan.

Nanawagan naman si Palatino sa publiko na patuloy lamang kumilos at bumoses para ipanawagan ang katotohanan at pananagutan.