DAGUPAN CITY—Iginiit ni Argel Cabatbat ng Magsasaka Partylist na hindi epektibong solusyon ang pagbaba ng taripa upang mapababa ang presyo ng pagkain, at sa halip ay lalo lamang nitong pinapaboran ang mga importer habang nalulugi ang lokal na produksyon.
Ayon kay Cabatbat, ang pagbaba ng taripa ay nangangahulugang mas kaunting kita para sa gobyerno at mas malaking pagpasok ng imported na produkto sa bansa.
Ipinaliwanag niyang layunin ng ganitong polisiya na mapababa ang presyo sa pamamagitan ng pagdami ng supply, ngunit hindi umano ito nararamdaman sa merkado.
Binigyang-diin niya na kahit bumaba na noon ang taripa sa mga produktong tulad ng manok, baboy, at mais, hindi pa rin bumaba ang presyo ng mga ito.
Dagdag pa niya, kahit tumaas ng 200 milyong kilo ang importasyon ng manok, hindi pa rin bumaba ang presyo nito, na nagresulta sa pagkalugi ng lokal na poultry raisers.
Ayon kay Cabatbat, hindi ang mga mamimili o magsasaka ang nakikinabang sa ganitong sistema kundi ang mga importer.
Sa usapin ng food inflation, kinilala niyang maaaring makatulong ang pagdami ng imported goods, ngunit iginiit niyang mas mainam kung pondohan na lamang ang lokal na produksyon.
Aniya, ilang beses nang umasa ang bansa sa importasyon ngunit hindi pa rin bumababa ang presyo ng bilihin.
Binanggit din niya na kahit unti-unti nang nakakabawi ang lokal na produksyon ng baboy matapos ang ASF, nananatiling mataas ang presyo habang bumabagsak naman ang farmgate price na nagdudulot ng pagkalugi sa mga magbababoy.
Pinuna rin niya ang prayoridad ng paggastos ng gobyerno, na aniya’y mas nakatuon sa imprastruktura kaysa sa agrikultura.
Binigyang-diin ni Cabatbat ang kahalagahan ng food self-sufficiency, lalo na sa harap ng mga krisis tulad ng pandemya at pandaigdigang tensyon na nakaapekto sa presyo ng fertilizer at petrolyo.
Sa huli, nanawagan siya na bawasan ang pag-asa sa importasyon at palakasin ang lokal na produksyon upang matiyak ang seguridad sa pagkain ng bansa.










