Malaking ginhawa para sa mga tricycle driver sa Dagupan City ang pagbaba ng presyo ng gasolina sa 4 to 5 pesos per liter lalo na ngayong nahaharap sila sa pagbaba ng kita dahil sa kakaunting pasahero at pagbaha sa ilang bahagi ng lungsod.
Ayon kay Gaudencio Tamayo, presidente ng CENTRO Dagupan Federation, malaking tulong ito lalo na sa pagbawas
ng kanilang gastusin sa araw-araw na pamamasada.
Umaasa rin siya na magpapatuloy ang pagbaba ng presyo ng gasolina upang mas gumaan ang pasanin ng mga tricycle driver at kanilang pamilya.
Gayunman, sinabi ni Tamayo na nananatiling mabigat ang epekto ng masamang panahon sa kanilang kabuhayan dahil sa pagbaha sa ilang bahagi ng lungsod.
Marami umanong tricycle driver namomroblema sa pasada habang ang ilan ay hindi na muna nakakapamasada dahil sa baha sa kanilang lugar at pangambang magkasakit.
Tinatayang nasa 40 porsiyento ng kanilang mga kasamahan ang hindi muna namasada dahil sa sitwasyon.
Inihayag naman nito na may ilang paradahan ng TODA ang nalubog sa baha kaya napipilitan ang ilang driver na lumipat sa ibang lugar upang maipagpatuloy ang pamamasada.
Sa kabila ng mga hamon, hinikayat ni Tamayo ang mga kapwa tricycle driver na magtiyaga at maging maingat sa pagdedesisyon kung kailangang pumasada, lalo na habang nagpapatuloy ang sama ng panahon.
Aniya, mahalagang makapagtrabaho upang maitaguyod ang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya, ngunit hindi rin dapat isantabi ang kalusugan at kaligtasan.
Binigyang-diin niya na mas mainam na timbangin ng bawat driver ang kalagayan ng panahon at kalsada bago bumiyahe upang maiwasan ang pagkakasakit at iba pang panganib.









