Nagbabala ang PAGASA Dagupan hinggil sa tumataas na posibilidad ng El Niño sa mga susunod na buwan kasunod ng naitalang below normal na pag-ulan noong nakaraang buwan. Ayon kay Chief Meteorologist Jose Estrada Jr., mula sa dating 60 porsiyentong tsansa ay umakyat na sa 79 porsiyento ang posibilidad ng pag-usbong ng El Niño mula Hunyo hanggang Oktubre ngayong taon. Bagama’t nananatili pa sa neutral phase ang kondisyon sa unang bahagi ng 2026, inaasahang tataas pa ito sa 83 porsiyento sa mga susunod na buwan.
Ipinunto rin na bagama’t papasok ang panahon ng Habagat sa Mayo na maaaring magdala ng mga pag-ulan, hindi pa rin ito sapat upang matugunan ang kakulangan sa tubig. Sa kasalukuyan, kapansin-pansin ang kakulangan ng ulan at limitado lamang sa mga isolated at mahihinang pag-ulan na hindi sapat upang mapunan ang mga dam.
Dahil dito, inaasahang bababa ang lebel ng tubig sa mga dam na maaaring makaapekto sa suplay ng tubig lalo na sa sektor ng agrikultura. Hinikayat ang mga magsasaka at publiko na maging maingat sa paggamit ng tubig at tiyaking ito ay ginagamit lamang kung kinakailangan.
Kaugnay nito, nagsagawa rin ng pulong ang iba’t ibang ahensya kasama ang lokal na pamahalaan upang paghandaan ang posibleng epekto ng El Niño at matukoy ang mga hakbang sa mitigasyon.
Bukod sa epekto sa suplay ng tubig, pinaalalahanan din ang publiko na mag-ingat sa matinding init sa pamamagitan ng pag-inom ng sapat na tubig, pagsusuot ng komportableng damit, at pagdadala ng proteksyon laban sa araw upang maiwasan ang mga sakit na dulot ng init.
Patuloy ang panawagan ng PAGASA sa publiko na maging handa at makiisa sa mga hakbang upang mabawasan ang epekto ng posibleng El Niño sa mga darating na buwan.










