DAGUPAN CITY- Wala pang katiyakan kung matatapos ng 19th Congress ang impeachment case ni Vice President Sara Duterte dahil sa mga ‘grey areas’ nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Edward Chico, Law Professor at Political Analyst, maaaring dehadong matapos ito sa nalalabing dalawang linggo ng kongreso bago pumasok ang 20th Congress lalo na’t kontrobersyal na tao ang haharap sa kaso.
Aniya, bagaman ‘forthwith’ ang nakasaad sa konstitusyon hinggil sa impeachment trial subalit, panahon ng kampanya nang maisumite ang resolusyon sa senado kaya’t hindi rin mapipilit ang mga senador na tumakbo sa nakaraang halalaan na pumasok para sa trial.
Kung aabot naman ito sa 20th Congress ay hindi na ito maipagpapatuloy pa dahil kailangan muling isumite ang resolusyon.
Aniya, kasalanan rin ito ng mababang kapulungan dahil hindi naging maaga ang pagsumite kaya’t inabot ito ng paghahabol.
Gayunpaman, may kaniya-kaniyang panig ang bawat senador na maaaring makapagpabago ng takbo nito.
Samantala, sinabi naman ni Atty. Chico na hindi na mawawala ang pamomolitika sa impeachment dahil umiiral ang political exercise, anuman o sinuman panig ang isang politiko.
Nakikita niya na ang importante sa mga senador ay ang kanilang personal na interes para sa kasong ito, lalo na kung may kinalaman sa 2028 Election.