Dagupan City – Ipinaliwanag ni Engr. Rodrigo Corpuz, General Manager ng Central Pangasinan Electric Cooperative o CENPELCO na masusing sinusuri ng kanilang mga tauhan ang meter reading bago ito maitala sa kanilang gadget upang matiyak na tama ang datos.
Kapag nakumpirmang tama ang naitalang reading, sinusunod naman ang pagsusuri sa accuracy ng metro.
Ayon kay Corpuz, kung mapatunayang may depekto ang metro at nagrerehistro ito ng mas mataas na konsumo kaysa sa aktuwal na paggamit, isinasagawa ang pagwawasto o rectification sa billing ng consumer.
Samantala, nilinaw rin ni Corpuz ang mga ulat na kumakalat sa social media tungkol sa umano’y umaabot sa milyong pisong singil sa kuryente.
Aniya, maaaring dulot ito ng pagkakamali sa paglalagay o pag-encode ng kasalukuyang meter reading.
Nanawagan naman si Corpuz sa mga consumer na kuhanan ng larawan ang kanilang metro kung may kakayahan silang gawin ito.
Aniya, makatutulong ang mga larawang ito bilang beripikasyon upang mas mapadali ang pagresolba at pagwawasto ng anumang isyu sa kanilang billing.









