Kinondena ng medical charity na Doctors Without Borders ang drone attack sa isang ospital sa Sudan na nagresulta sa pagkamatay ng 10 katao sa south-central part ng bansa na patuloy na apektado ng digmaan.

Ayon sa ulat, dalawang beses na tinamaan ang Al Jabalain Hospital sa White Nile State, kung saan naapektuhan ang operating room at maternity ward.

Iniulat na ang pag-atake ay isinagawa ng paramilitary na Rapid Support Forces.

--Ads--

Sa mga nasawi, pito ay mga medical staff, kabilang ang ilan na dati nang nakatrabaho ng naturang organisasyon.

Naganap ang insidente habang may isinasagawang immunization campaign para sa mga bata, na lalo pang nagpalala sa sitwasyon.

Ang insidenteng ito ay bahagi ng sunod-sunod na pag-atake sa mga healtcare facilities sa Sudan mula nang sumiklab ang labanan sa pagitan ng Sudanese Army at Rapid Support Forces noong Abril 2023.

Sa hiwalay na insidente, tinamaan din ang isang medical supply depot sa lungsod ng Rabak.

Ayon sa World Health Organization, mahigit 200 na pag-atake na ang naitala laban sa mga healthcare facility simula nang magsimula ang digmaan.

Kamakailan lamang, umabot sa 70 katao, kabilang ang mga bata, ang nasawi sa isa pang pag-atake sa isang ospital sa rehiyon ng Darfur.

Patuloy namang nananawagan ang mga opisyal at organisasyon para sa pananagutan ng mga responsable at para maprotektahan ang mga sibilyan at medical facility sa gitna ng patuloy na kaguluhan.