DAGUPAN, CITY— Inihayag ng National Bureau of Investigation Dagupan na nakahanda silang magsagawa ng imbestigasyon oras na mayroong maiparating sa kanilang tanggapan na mga gumagawa at gagamit ng mga pekeng vaccination cards.
Ayon kay NBI Dagupan Chief Rizaldy Jaymalin, bagamat sa ngayon ay wala pa namang inirereport sa kanila kaugnay pagbebenta at paggamit ng mga pekeng vaccination card ngunit hindi naman umano nila inaalis ang posibilidad na mayroong mga magtangkang gumawa sa kadahilanan na din na malaking bagay ang mga vaccination card ngayon lalo na at halos lahat ng mga transaksyon ay kinakailangan na ito.
Halimbawa na lamang sa pagpunta sa mga establisyimento na halos hindi na pinapayagang makapasok kung walang maipapakitang mga vaccination cards na istrikto na ding naipapatupad dito sa lungsod ng Dagupan.
Kaya naman malaki umano ang tyansa na may mga makaisip na gumamit ng mga pekeng vaccination card upang makalusot kung sakaling hanapan sila nito. (with reports from: Bombo Mariane Esmeralda)