DAGUPAN CITY—Nakapag-secure na umano ng permit ang grupong sumusuporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte upang magsagawa ng pagtitipon sa The Hague mula Pebrero 23 hanggang 27, kasabay ng confirmation of charges hearing nito sa Pebrero 23 sa International Criminal Court (ICC).

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Amik Garceniego, Vice Chairman ng United Filipinos Global–UK, sinabi nitong inaasahang ito ang unang pagkakataon na muling masisilayan ng publiko ang dating Pangulo matapos itong idetine ng ICC. Ayon sa pamilya Duterte, kapansin-pansin umano ang malaking ibinawas ng timbang ng dating Pangulo, na iniuugnay sa stress at homesickness simula nang ito’y hulihin noong Marso 11, 2025.

Mula nang ma-detene, hindi na umano nakita ng kanyang mga tagasuporta ang dating Pangulo dahil sa mahigpit na patakaran ng ICC sa pagbisita at tuluy-tuloy na monitoring. Tanging mga kapamilya lamang ang pinayagang makadalaw at makasama siya.

--Ads--

Dagdag ni Garceniego, paiigtingin ng kanilang grupo ang suporta sa paparating na hearing, lalo’t may mga grupong taliwas sa kanilang paninindigan na nag-organisa na rin ng hiwalay na pagtitipon na sumusuporta sa patuloy na pagkakakulong ng dating Pangulo.

Inaasahang aabot sa 300 katao ang dadalo sa pagtitipon ng mga tagasuporta, at posible pa umanong madagdagan ang bilang. Aalingawngaw umano ang panalangin at mga panawagan ng kanilang mga speaker at lider ng grupo sa naturang aktibidad.

Sa huli, nanawagan din si Garceniego sa mga Pilipino na lumagda sa petisyon sa Korte Suprema na humihiling na aksyunan ang Writ of Habeas Corpus na inihain ng pamilya Duterte. Ayon sa kanya, kasalukuyang umiikot ang petisyon sa Roxas, Capiz, at susunod na dadalhin sa Caticlan, Mindoro, Batangas, at iba pang bahagi ng Luzon.