BOMBO DAGUPAN – Patuloy pa rin na pinaghahanap ng kapulisan ang mga hindi pa nakikilalang suspek sa pamamaril-patay sa isang 46-anyos na ginang sa lungsod ng San Carlos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt.Col. Eleazar Edolmo, Officer-in-Charge ng San Carlos City Police Station, sinabi nito na nagpapatuloy ang ginagawa nilang operasyon sa pag-alam sa pagkakakilanlan at pagtugis sa mga tumakas na suspek.

Aniya nangyari ang krimen sa Brgy. Caingal sa nasabing lungsod kung saan ay pinagbabaril ang biktima na kinilalang si Aurelia Apostol de Vera, residente ng Brgy. Bolosan, at isang high school graduate.

--Ads--

Sa kanilang inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na umalis ang biktima ng kanilang tahanan upang dumalo sa isang pulong, at nang pauwi na ito ay dito na ito tinambangan ng mga hindi pa nakikilalang suspek.

Saad nito na nagtamo ng dalawang tama ng baril ang biktima partikular na sa kanyang likod at tagiliran.