DAGUPAN CITY- Patuloy ang pangamba ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Israel sa gitna ng patuloy na tensyon at missile attacks mula sa Iran.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Lovella Peronilla, Bombo International News Correspondent sa Israel, sinabi niyang pabago-bago ang sitwasyon sa bansa—may mga oras na tahimik, ngunit may mga pagkakataon ding biglaang nagkakagulo.

Simula pa noong Biyernes, sunod-sunod na nagpakawala ng missiles ang Iran, dahilan upang tumunog ang mga sirena sa iba’t ibang bahagi ng Israel.

--Ads--

Ibinahagi rin niya na minsan ay pinapatunog ang alarma kahit walang missile strike, upang gisingin at paalalahanan ang publiko sa posibleng panganib.

Aniya, may mga gusali rin sa Israel na may bomb shelter na nagsisilbing pansamantalang tuluyan sa oras ng kagipitan.

Gayunpaman, inamin ni Peronilla na nakakatakot ang sitwasyon, dahil hindi nila alam kung kailan muling titindi ang tensyon o kung ano ang susunod na hakbang ng magkabilang panig.

Sa huli, nanawagan siya sa mga namumuno na bigyang-daan ang mapayapang pag-uusap at itigil ang girian para sa kaligtasan ng mga sibilyan.