Agad na inaksyunan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) 2nd District Engineering Office (DEO) ang mga lubak at butas-butas na bahagi ng kalsada sa national highway sa J. Rizal St sa bayan ng Mangaldan.


Isinagawa ang paunang pagkukumpuni matapos makipag-ugnayan ang Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan, sa pamamagitan ng Municipal Engineering Office (MEO), sa DPWH kaugnay ng hindi magandang kondisyon ng naturang kalsada.


Ayon sa mga kawani ng DPWH 2nd DEO, pansamantalang tinatambakan ng bato at buhangin ang mga lubak upang pansamantalang matugunan ang problema habang patuloy ang pag-ulan.

--Ads--


Nakatakda namang aspaltohan ang mga bahaging ito kapag bumuti na ang lagay ng panahon at maging angkop na ang kondisyon para sa mas permanenteng pagkukumpuni.


Samantala, pinapayuhan ang mga motorista at residente na mag-ingat sa pagdaan sa nasabing bahagi lalo na’t patuloy ang pabugso-bugsong pag-ulan na maaaring magdulot ng madulas na kalsada at panganib sa mga motorista.


Hinihikayat ang publiko na maghinay-hinay sa pagmamaneho at manatiling alerto upang maiwasan ang mga aksidente habang isinasagawa ang mga kinakailangang pagkukumpuni sa kalsada.