Nanawagan ang mga lider ng Association of Southeast Asian Nations ng agarang kapayapaan sa Gitnang Silangan kasunod ng tumitinding tensyon sa pagitan ng US, Israel, Iran, at Hezbollah.
Sa isinagawang press conference matapos ang 48th ASEAN Summit, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mahirap makahanap ng pangmatagalang solusyon hangga’t nagpapatuloy ang mga pambobomba at labanan sa rehiyon.
Kasabay nito nananawagan din ang mga foreign minister ng ASEAN sa lahat ng panig na itigil na ang karahasan, sundin ang ceasefire, at iwasan ang anumang hakbang na maaaring magpalala sa sitwasyon.
Binigyang-diin din ng ASEAN ang kahalagahan ng pagpapanatiling bukas at ligtas ng Strait of Hormuz, na tinuturing mahalagang daanan ng mga barkong nagdadala ng langis at iba pang produkto sa buong mundo.
Sa kanilang joint statement, nagpahayag naman ng matinding pag-aalala ang mga lider ng ASEAN dahil maaaring maapektuhan ng sigalot ang pandaigdigang kapayapaan, kalakalan, at suplay ng enerhiya.
Nagpaalala rin si PBBM na ang patuloy na tensyon ay maaaring magdulot ng pagkaantala sa biyahe ng mga barko at eroplano, pati na rin sa pagpapadala ng mahahalagang produkto sa iba’t ibang bansa.










