Inihahanda na ngayon ng Manaoag Traffic Operation Office ang mga kagamitan laban sa ulan ngayong nagdeklara na ang PAG-ASA ng habagat season.

Bukod kasi sa mainit at maalinsangang panahon, kalaban din ng mga nagtatrabaho sa kalsada gaya ng mga traffic enforcers ang matinding pagbuhos ng ulan na siyang naghahatid ng iba’t ibang mga sakit sa kanilang katawan lalo na kung walang sapat na kagamitan para dito.

Ayon kay Crisanto De Guzman ang pinuno ng nasabing opisina na nagrequest na sila sa alkalde ng bayan ng mga bagong kapote at mga gamit ngayong tag-ulan dahil halos nasisira o napupunit na ang kanilang mga dating ginagamit sapagkat nasa 1 hanggang 2 taon na ang tagal ng mga ito.

--Ads--

Bukod dito, may ipinapamahagi naman ang lokal na pamahalaan na mga vitamins upang makaiwas ang mga ito sa ibat-ibang sakit habang may sinasagawa pang wellness program sa munisipyo tuwing huling biyernes ng bawat buwan para sa lahat ng mga empleyado.

Sa kasalukuyan ani De Guzman ay wala pa namang naitala na nagkakasakit na enforcers tuwing tag-ulan dahil tinitiyak nila na laging nasa maayos ang kanilang kalusugan at pangangatawan.

Saad pa nito na gaya ng bilin niya tuwing mainit na panahon, binibigyan din naman ang bawat enforcers na nakaduty ng oras para makasilong pansamantala lalo na kapag hindi naman masyadong mabigat ang trapiko.

Samantala, nakadepende naman umano sa utos ng alkalde kung papayagan ang mga enforcers na magtrabaho kapag may nararanasang bagyo dahil ang mga tauhan nila ay mga job orders lamang na nangangahulugang “no work no pay” ngunit lagi paring prayoridad ng kanilang bayan ang mabuting kapakanan ng kanilang empleyado.