Hindi umano nasiyahan ang ilang guro sa mga inilatag na pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang nakaraang State of the Nation Address o SONA, partikular sa usapin ng pagbibigay ng laptop sa mga guro ng pampublikong paaralan. Ayon sa grupo ng mga guro, hindi umano ito lubusang naipatupad dahil kakaunti lamang ang nakatanggap ng naturang kagamitan.
Ayon kay Melchor V. Cayabyab, Pangulo ng Center for Teachers’ Development and Human Rights, nananatili rin umano ang panawagan para sa dagdag-sahod ng mga guro matapos walang makitang malaking pagbabago sa kanilang kompensasyon. Patuloy nilang isinusulong ang P50,000 dagdag-sahod upang matugunan umano ang pangangailangan ng mga guro sa gitna ng tumataas na gastusin.
Kabilang din sa mga nais nilang matutukan ng pamahalaan ang mas malaking pondo para sa edukasyon. Bagama’t kinikilala ang pagtaas ng badyet para sa sektor, iginiit ng grupo na hindi pa rin ito sapat at dapat umabot sa 6 porsiyento ng gross domestic product o GDP ang alokasyon para sa edukasyon upang matugunan ang kakulangan sa silid-aralan, lalo na sa gitna ng pagbaba ng literacy at comprehension skills ng ilang mag-aaral.
Hiniling din ng grupo ang mas maayos na paggamit ng pondo para sa mga programang pang-edukasyon, kabilang ang Alternative Learning System o ALS at ang suporta sa mga volunteer teachers. Nanawagan din sila na bawasan ang mga gawaing hindi direktang kaugnay ng pagtuturo tulad ng feeding program at deworming upang makapagpokus ang mga guro sa pangunahing tungkulin nilang magturo.









