Mahigpit na ipinapatupad ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan ang pangsamantalang pagbabawal sa pagpasok ng mga buhay na baboy na magmumula sa mga probinsiya ng Ilocos Norte at Ilocos Sur kung saan mayroong naitalang positibong mga kaso ng African Swine Fever.
Ayon kay Provincial Veterinary Office District IV Veterinarian Marissa De Vera, sa ialim ng Executive order no. 0106-2021, kinakailangan munang makapag presenta ng mga kailangang mga dokumento ang sino man na magpapasok ng mga baboy sa probinsiya kabilang na rito unang una ang certification na magpapakita na ang mga baboy ay negatibo sa ASF, pangalawa ang health certificate para masiguro na malusog at nasa tamang kondisyon ang mga baboy at panghuli ay ang shipping permit.
Ang mga paghihigpit umano na ito ay hakbang lamang upang maiwasan na mapasukan muli ng African Swine Fever ang probinsya lalo na at ilang buwan na rin simula ng ma-contain ang ASF at patuloy na pinapanatili ito upang hindi na muling makaranas ng pagkamatay ng mga baboy at pagkalugi ang mga hog raisers sa lalawigan.
Parte umano ng mga ginagawang pamamaraan ng Provincial Veterinary Office ay ang pagpapanatili ng mga biosecurity measures at ang patuloy na pagsasagawa ng disinfection at swabbing sa mga pig pens.
Dagdag naman ni De Vera, maganda rin ang resulta ng pagpapatupad ng nasabing polisiya dahil sa ngayon naman ay wala pang naitatalan mga nagpumilit na magpuslit ng mga baboy mula sa nabanggit na mga lugar.
Ngunit hiling parin nila ang kooperasyon ng publiko lalo na sa mga traders na sumunod dito upang hindi na muling kumalat ang African Swine Fever at mapanatiling maayos ang swine industry hindi lamang sa probinsiya kundi sa buong bansa.