DAGUPAN CITY – Binabantayan na ng mga opisyal ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ang mga barangay sa bayan ng Basista sa posibleng epekto ng pag-ulan dulot ng Bagyong Julian.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Josephine Robillos, Officer III ng Municipal Disasater Risk Reduction and Management Council (MDRRMC), sa kasalukuyan ay nakakaranas ang kanilang bayan ng pabugso-bugsong mga pag-ulan.
Bilang paghahanda sa mga posibleng trahedya sa lugar, binabantayan ang mga low-lying areas na mga barangay na maaaring bahain at iba pang mga lugar upang masiguro ang kalagayan ng mga residente.
Ang bawat barangay naman dito ay mandatong mayroong evacuation centers.
Nagsasagawa rin sila ng pre-emptive evacuation at forced-evacuation kung kinakailangan.
Bukod dito ay binabantayan rin ang mga swamps na maaaring umapaw, at mga nadadaanan ng tubig na nanggagaling sa bayan ng Malasiqui na dumadaan naman sa isang barangay sa lugar.
Samantala, tiniyak naman ni Robillos na ligtas ang lugar at laging nakabantay ang MDRRMC sa oras na kinakailangan.