Nagpahayag ng matinding pagkadismaya si Alan Tulalian, Bombo International News Correspondent at Overseas Filipino Worker (OFW) sa Trinidad and Tobago, hinggil sa umano’y patuloy at lumalalang kaso ng korapsyon sa Pilipinas, partikular na sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno.

Ayon kay Tulalian, matagal na siyang nakasubaybay sa mga pagdinig at imbestigasyon kaugnay ng katiwalian sa bansa. Ngunit kamakailan lamang ay lalo siyang nabahala nang makita ang umano’y bulto-bultong perang sangkot sa mga anomalya, kung saan ilang contractors at engineers ang di umano’y kumita hindi lamang ng milyon kundi bilyong piso mula sa mga proyektong hindi natapos o hindi naman talaga naisakatuparan.

Bilang isang OFW, iginiit ni Tulalian na malaki ang kontribusyon ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa sa ekonomiya ng Pilipinas.

--Ads--

Aniya, umabot sa 2.3 milyong dolyar ang remittances ng kanilang grupo, na bahagi ng kabuuang remittances na taun-taong nakatutulong sa pambansang badyet.

Sa kabila nito, nananatiling laganap ang mga problemang tulad ng pagbaha sa bansa tuwing panahon ng tag-ulan.

Giit niya, “Taon-taon may bagyo, taon-taon may baha, pero ang flood control project ay ibinubulsa ng mga opisyales ng DPWH at ng mga kasabwat nilang politiko.”

Binigyang-diin din ni Tulalian ang kanyang pagkadismaya sa mga umano’y “ghost projects” na hindi nakarating sa mga komunidad na nangangailangan.

Sa gitna ng kanyang pahayag, nanawagan si Tulalian sa kapwa Pilipino na maging mapanuri sa pagboto at huwag nang iboto ang mga politikong sangkot sa katiwalian.

Ayon sa kanya, habang nananatili ang ganitong sistema, lalong nawawalan ng pag-asa ang mga OFW na makauwi at manirahan muli sa bansa.