Unti-unting bumabalik sa simpleng buhay-pamilya si Mary Jane Veloso matapos ang mahabang panahon ng pagkakakulong, ayon sa kanyang kapatid na si Lea Ordoñez.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ibinahagi ni Ordoñez na pangunahing pinagkakaabalahan ngayon ni Veloso ang makasama ang kanyang mga kapatid, mga anak at magulang habang sinisikap niyang makapag-adjust sa kanyang pagbabalik sa kanilang tahanan sa Nueva Ecija.
Ayon kay Ordoñez, nagsimula na silang gumawa ng mga simpleng family activities. Noong Linggo, nagsimba ang magkakapatid at pagkatapos ay nagtungo sa isang restaurant upang magsalo-salo.
Sa unang araw ng kanyang pag-uwi, hindi umano agad nagpahinga si Veloso. Sa halip, naglinis siya ng buong bahay at inayos ang kanilang tahanan bago sila nagsalo-salo sa pagkain.
Sinisikap din ng pamilya na matupad ang mga pagkaing matagal nang nais matikman ni Veloso. Kabilang dito ang mga lutong-bahay at pagkaing karaniwang inihahanda ng kanyang mga kapatid.
Bagama’t nakatikim na rin siya ng iba’t ibang pagkain sa kanilang paglabas, sinabi ni Ordoñez na mas gusto pa rin ni Veloso ang mga lutong pagkain ng kanilang pamilya.
Isa rin sa mga bagong karanasan ni Veloso ang paggamit ng cellphone.
Dahil matagal siyang hindi nakagamit ng cellphone at social media, binilhan siya ng kanyang pamilya ng bagong telepono. Ngayon, tinuturuan siya ng kanyang mga kapatid kung paano gamitin ang mga application gaya ng Facebook at WhatsApp.
Ayon kay Ordoñez, nagkakaroon sila ng tawanan habang tinuturuan si Veloso na gamitin ang kanyang cellphone.
Bukod sa muling pagsasama-sama ng pamilya, may mga plano rin si Veloso para sa kanyang kinabukasan.
Ibinahagi ni Ordoñez na nais ng kanyang kapatid na magkaroon ng sariling negosyo upang magkaroon ng pagkakakitaan at makatulong sa pamilya.
Isa sa mga nais niyang maisakatuparan ay ang makabili ng sariling lupa at makapagpatayo ng maliit na tindahan.
Sa ngayon, nananatili muna si Ordoñez sa Nueva Ecija upang makasama si Veloso. Plano niyang manatili roon nang humigit-kumulang isang linggo bago bumalik sa kanyang sariling tahanan.










