Dagupan City – Nilinaw ng pitong (7) konsehal ng Dagupan City na hindi sila naging hadlang sa pag-unlad ng lungsod.
Sa isang press conference, pinabulaanan nila ang akusasyon na sila ang pumipigil sa paglalaan ng pondo para sa mga proyekto at programa sa lungsod sa mga nakalipas na taon.
Aminado silang may pagkakaiba-iba ng pananaw sa politika at ilang isyu, ngunit giit nila, hindi ito nakakaapekto sa kanilang pagtupad sa tungkulin.
Ayon kay Konsehal Dada Reyna, hindi mahalaga ang kawalan ng kanilang larawan o hindi sila nasasali sa mga tarpaulin ng proyekto lalo na’t kabilang naman sila sa mga nagpasa ng ₱5.2 bilyong budget para maisakatuparan ang mga ito.
Hindi din aniya sila apektado sa mga nakakarating sa kanilang paninira, fake news at pambubully laban sa kanila dahil ang mahalaga ginawa nila ang kanilang trabaho.
Paliwanag naman ni Konsehal Red Erfe Mejia, tinitiyak lamang nila ang transparency sa mga proyekto.
Binanggit niya ang halimbawa ng ₱200 milyong scholarship program na kulang sa detalye at transparency.
Samantala, sinabi naman ni dating Alkalde Brian Lim na hindi naging kontra ang pitong mayorya sa pag-unlad ng lungsod bagkus ang kanila lamang kinokontra aniya ay ang pang-aabuso, kawalan ng transparency, korupsyon, at maling pamamalakad ng gobyerno.
Tinalakay din dito ang ibat-ibang mga isyu at usapin na kinakaharap ng lungsod upang malaman ng mga tao kung pano sila magdesisyon para sa nalalapit na halalan.