Tinatayang aabot sa halagang lampas ₱300,000 ang nakumpiska sa matagumpay na operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Pangasinan Provincial Office, kasama ang iba’t ibang law enforcement agencies sa bayan ng Sta. Barbara sa lalawigan ng Pangasinan.

Nagsimula ang operasyon dakong 7:54 kaninang umaga matapos ang masusing intelligence gathering, surveillance, at isang matagumpay na test-buy operation na nagsilbing batayan sa pag-apruba ng korte sa search warrant.

Ayon kay Atty. Benjamin G. Gaspi, RD PDEA RO I, nakumpiska sa operasyon ang mahigit 100 gramo ng marijuana kush at humigit-kumulang 28 gramo ng marijuana vape, kasama ang iba pang ilegal na droga na tinatayang may halagang lampas ₱300,000.

--Ads--

Ilang buwan bago ang operasyon ay nagsagawa na ng test-buy operation ang mga awtoridad matapos makatanggap ng ulat mula sa mga karatig-barangay hinggil sa umano’y pagbebenta ng marijuana, kabilang ang imported na marijuana kush at tinatawag na marijuana vape.

Kaugnay nito, patuloy namang nananawagan ang PDEA sa publiko na makiisa sa kampanya laban sa ilegal na droga at iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad, tinitiyak na mananatiling kumpidensiyal ang mga impormasyon.