Bagama’t pumasok na ang panahon ng tag-ulan, matinding hamon ang kinakaharap ng mga magsasaka sa bayan ng Bongabon dahil sa kakulangan ng patubig at banta ng Super El Niño sa mga susunod na buwan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mark Paul Rubio, isang magsasaka sa nasabing bayan, ibinahagi niya na Hunyo pa lamang ay nararanasan na nila ang tila tagtuyot dahil sa dalang ng pag-ulan. Dahil dito, napipilitan ang mga magsasaka na gumamit ng paraang dry seeding kung saan isinasaboy ang binhi sa tuyong lupa nang hindi muna nangangailangan ng patubig.

Ayon kay Rubio, isa sa pangunahing problema nila ay ang kawalan ng abot na irigasyon mula sa National Irrigation Administration (NIA) dahil sa layo ng kanilang lokasyon. Dahil dito, umaasa lamang sila sa tubig-ulan o kaya ay sa paggamit ng mga water pump na nagdudulot ng dagdag na pasanin dahil sa taas ng presyo ng petrolyo.

--Ads--

Bukod sa krudo, inireklamo rin ni Rubio ang napakataas na presyo ng mga abono at gamot. Sa kasalukuyan, ang presyo ng urea ay umaabot sa P2,900 bawat sako, habang ang 16-20 fertilizer ay nasa P1,850. Dahil sa takot na muling malugi at sa banta ng El Niño na posibleng magsimula sa Setyembre, nagpasya si Rubio na bawasan ang kanyang taniman ng kalahating ektarya—mula sa dating tatlong ektarya ay naging 2.5 ektarya na lamang.

Bagama’t mahirap ang sitwasyon, kinumpirma ni Rubio na nakatanggap siya ng tulong mula sa Department of Agriculture (DA) dahil siya ay rehistrado sa RSBSA. Kabilang sa natanggap niya ay cash assistance na nagkakahalaga ng mahigit P2,325, pati na rin ang mga binhi at fertilizer assistance. Ang nakuhang cash ay agad niyang ibinili ng diesel para sa kanyang mga kagamitang pansaka.

Sa parehong panayam, tinalakay din ang kamakailang pagkumpiska ng tinatayang P35.4 milyong halaga ng smuggled na sibuyas at bawang sa Talavera, Nueva Ecija. Ayon kay Rubio, malaki ang epekto nito sa kanila dahil hindi tumataas ang presyo ng mga lokal na sibuyas na nasa storage facilities, dahilan upang malugi ang maraming magsasaka.

Nanawagan si Rubio sa kanyang mga kapwa magsasaka na maging matalino sa pagpili ng itatanim at timbangin ang paggamit ng mga inputs upang hindi mabaon sa utang at lugi dulot ng climate change.