Niyanig ng magnitude 6.7 na lindol ang katimugang bahagi ng Andes sa Peru, na ikinasugat ng tatlong katao at nagdulot ng pinsala sa ilang gusali, ayon sa mga lokal na awtoridad.
Ayon sa United States Geological Survey o USGS, tumama ang lindol malapit sa maliit na pamayanan ng Aniso sa rehiyon ng Ayacucho nitong Huwebes. Naitala ang lindol sa lalim na 100 kilometro, o 31 kilometro hilagang-kanluran ng Aniso.
Sinabi ni Defense Minister Rafael Belaunde na 22 bahay at anim na paaralan ang napinsala.
Iniulat din ng National Institute of Civil Defence ng Peru na sampung pasilidad pangkalusugan sa Ayacucho at dalawa sa kalapit na Cusco ang nagtamo ng pinsala, ngunit nanatiling gumagana ang kanilang mga serbisyo.
Tatlong katao ang nasugatan ngunit hindi naman malubha ang kanilang kalagayan. Tinatayang siyam na libong ari-arian naman ang nawalan ng suplay ng kuryente, habang siyam na pasilidad pang-edukasyon ang napinsala.
Madalas makaranas ng lindol ang Peru dahil nasa lugar ito kung saan nagtatagpo ang Nazca at South American tectonic plates. Ang pagyanig ay isa sa mga malalakas na lindol na tumama sa South America nitong mga nakaraang buwan, kasunod ng mga nakamamatay na lindol sa Colombia at Venezuela.










