DAGUPAN, CITY— Nahuli na ang suspek sa kahindik-hindik na pananaksak sa mga mag-iina sa Brgy. Lagasit sa bayan ng San Quintin.

Ayon kay San Quintin PNP Chief PCapt. Resty Ganaban, nakilala ang suspek na si Dexter Lichauco, dalawampu’t apat na taong gulang, pinsan ng biktima at residente din ng nabanggit na Barangay.

Aniya, napag-alamang pinaslang ng naturang suspek ang mga biktima noong miyerkules na kinilalang sina Crystalene ‘Matet’ Lichauco Ogaco, 36 na taong gulang at ina rin ng kasama niyang mga anak na si Ashley Morante sampung taong gulang at si Jacob Morante, anim na taong gulang at nadiskubre na lamang ang kanilang mga labi noong biyernes.

--Ads--

Batay sa salaysay ng mga kapitbahay ng mga biktima sa lugar, hindi umano nila inakala na masasawi ang mga biktima dahil bago mangyari ang insidente ay may narinig pa umano silang sigaw na inakalang regular lamang dahil maaring pinapagalitan lamang ang mga bata ng kanilang ina.

Sa kabilang banda, ibinahagi ng suspek na “trip-trip” lamang ng umpisa ang kanyang ginawa sa bahay ng biktima kung saan ay binabato nito ang salamin ng bintana. Nang dumating ang biktima na si Crystalene mula sa pamimili sa kanilang bayan, doon umano nagkaroon ng komprontasyon na humantong sa kalunos-lunos na insidente.

Iniimbestigahan din ng hanay ng PNP ang anggulo na hindi napagbigyan ng biktima ang suspek na makapangutang ng pera lalo na at madalas itong humiram sa biktima.

Bukod pa rito, kanila ring susuriin kung ang suspek ay lango sa droga nang ginawa nito ang naturang krimen.

Sa kasalukuyan, ang suspek ay nasa kustodiya na ng kanilang himpilan at inihahanda na ang mga kasong maari nitong kaharapin.