Maaaring bahagi ng mas malawak na estratehiya o isang anyo ng political repositioning ang maagang deklarasyon ng kandidatura ni Vice President Sara Duterte para sa 2028 Presidential elections.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Prof. Mark Anthony Baliton – Political Analyst ang maagang deklarasyon ng kandidatura ay hindi na bago sa pulitika ng Pilipinas at dapat tingnan bilang bahagi ng demokratikong proseso.

Subalit binigyang-diin niya na sa kasaysayan ng bansa, maraming kandidatong maagang nagdeklara ang nanguna sa survey sa simula ngunit bumaba ang ranking habang papalapit ang halalan.

--Ads--

Bilang halimbawa, binanggit niya sina Former Sen. Grace Poe at former VP Jejomar Binay.

Ayon sa kanya, ang maagang paglalatag ng kandidatura ay maaaring magdala ng pansamantalang momentum, ngunit maaari rin itong maging dahilan upang mas maagang ma-target ng mga kritiko at kalaban sa pulitika.

Pagbabahag nito dalawang posibleng mensahe ang nakikita niya sa naging hakbang ng Bise Presidente:

Genuine intention na mapabuti ang takbo ng pamahalaan at pulitika sa bansa at political positioning, o pagpapakita ng lakas at babala sa mga nakabanggahan sa kasalukuyang administrasyon.

Sa kasalukuyan, ayon kay Baliton, nagpapakita ang mga survey ng malakas na suporta kay VP Sara.

Gayunpaman, hindi pa aniya ganap na nasusukat ang magiging papel ng mga bagong botante, partikular ang Gen Z, na maaaring mag-iba sa takbo ng kampanya.