Dagupan City – Dumalo ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan sa isinagawang Stakeholders Meeting para sa Health Facility Enhancement Program 2026 sa Sela Vie Resort, kung saan tinalakay ang mga proyektong pangkalusugan na popondohan ng Department of Health.
Kabilang ang lungsod ng Dagupan sa mga napiling benepisyaryo ng programa.
Batay sa inilahad sa pulong, nakaseguro ang Dagupan ng kabuuang ₱215 milyon para sa pagpapalakas ng mga pasilidad pangkalusugan.
Kabilang dito ang ₱200 milyon para sa konstruksyon ng isang Maternity and Children’s Hospital at karagdagang ₱15 milyon para sa ikalawang yugto ng Super Family Health Clinic sa Malued.
Layunin ng mga proyektong ito na mapabuti ang serbisyong medikal, partikular sa pangangalaga sa mga buntis, sanggol, at mga bata, gayundin ang pagpapalawak ng access sa primary health care sa komunidad.
Inaasahang makatutulong ang mga bagong pasilidad upang mabawasan ang pagsisikip sa mga umiiral na ospital at mapabilis ang pagbibigay-serbisyo sa mga residente.
Bukod sa Dagupan, makatatanggap din ng pondo ang iba pang lungsod, bayan, at probinsya sa Pangasinan, Ilocos Sur, Ilocos Norte, at La Union para sa pagpapatayo at pagsasaayos ng kani-kanilang health facilities, bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng Health Facility Enhancement Program ng DOH.










