Hindi bababa sa limang katao ang nasawi habang maraming iba pa ang nasugatan matapos ang isang insidente ng pamamaril na sinundan ng sunog sa isang simbahan sa Grand Blanc, Michigan, nitong Linggo ng umaga.

Ayon kay Marissa Pascual, Bombo International News Correspondent sa Estados Unidos kinilala ng mga awtoridad ang suspek bilang si Thomas Jacob “Jake” Sanford, 40 taong gulang, isang dating U.S. Marine na residente ng Burton.

Kung saan lumalabas sa ulat ng Grand Blanc Township Police, sumalpok si Sanford gamit ang kanyang pickup truck sa gusali ng The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints bago magsimulang magpaputok gamit ang isang assault rifle.

--Ads--

Aniya apat sa mga nasawi ay mga biktima ng pamamaril, habang ang ikalima ay si Sanford mismo, na napaslang sa engkuwentro laban sa mga rumespondeng pulis sa parking lot ng simbahan.

Nadiskubre rin ang dalawang bangkay sa loob ng nasunog na gusali, habang 10 katao ang tinamaan ng bala kung saan dalawa sa mga ito ang namatay agad sa pinangyarihan, habang pito ang nasa stable na kondisyon, at isa ang nananatiling kritikal.

Ang Federal Bureau of Investigation (FBI) naman ang kasalukuyang nangunguna sa imbestigasyon.