Dagupan City – Magpapatupad ang Dagupan City Police Office ng “Ligtas Eskwela” security plan bilang paghahanda sa pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral sa lungsod, kasunod ng naganap na karahasan sa isang paaralan sa Zamboanga City.
Layunin ng operasyon na mapalakas ang seguridad sa paligid ng mga paaralan at matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at iba pang school personnel.
Kabilang sa mga hakbang ang pagpapakalat ng mga pulis sa mga paaralan at iba pang lugar na dinaraanan ng mga learner, gayundin ang pagpapaigting ng police visibility at pagbabantay sa mga pangunahing lansangan, terminal at iba pang mataong lugar.
Tututukan din ng mga awtoridad ang pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa oras ng pagpasok at uwian ng mga estudyante.
Kasabay nito, hinihikayat ng pulisya ang mga magulang, guro at mag-aaral na maging mapagmatyag at agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang kilos o sitwasyong maaaring magdulot ng panganib.
Ayon sa Dagupan City Police Office, bahagi ito ng kanilang hakbang upang maiwasan ang anumang insidente at matiyak ang ligtas, maayos at mapayapang pagbabalik ng mga mag-aaral sa mga paaralan sa lungsod.










