Dagupan City – Aabot sa ₱100,000 cash prize ang matatanggap ng barangay na mangunguna sa Search for the Cleanest and Greenest Barangay 2026, ayon sa Lokal na Pamahalaan ng San Nicolas.

Ito ay kasunod ng pormal na paglulunsad ng naturang patimpalak sa pamamagitan ng orientation meeting na dinaluhan ng mga kinatawan ng 33 barangay ng bayan.

Layunin ng programa na hikayatin ang bawat barangay na paigtingin ang pagpapatupad ng mga programa sa kalinisan, pangangalaga sa kapaligiran, wastong pamamahala ng basura, at kahandaan sa mga sakuna.

--Ads--

Pinangunahan ni Sangguniang Bayan Member at Committee on Environment Chairperson Councilor Jairus Thom D. Dulay ang orientation, kung saan ipinaliwanag ang mga pamantayan sa ebalwasyon na pagbabatayan sa pagpili ng pinakamalinis at pinakamaluntiang barangay.

Nakibahagi rin sa orientation ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau (DENR-EMB), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Municipal Tourism, Culture and Arts Office upang talakayin ang mga panuntunan para sa maayos na pagpapatupad ng patimpalak.

Ayon sa lokal na pamahalaan, daraan sa tatlong yugto ng ebalwasyon ang mga kalahok na barangay mula Hulyo hanggang Setyembre 2026.