Dagupan City – Patuloy ang ginagawang pag-iikot ng Municipal Environment and Natural Resources
sa bayan ng Pozorrubio sa pakikipagtulungan ng Lokal na Pamahalaan sa pagpapalaganap ng kamalayan sa wastong pagtatapon ng basura.
Kamakailan lamang ay binisita ng mga kinatawan sa nasabing opisina ang mga residente ng limang barangay sa bayan gaya ng Sitio Tambogan sa Barangay Talogtog, Palguyod, Alipangpang, Bobonan, Poblacion 3, at Don Benito upang ipaalala ang ipinagbabawal na pagtatambak at pagsusunog ng basura.
Ayon kasi sa Environmental Code na sinusunod ng bayan ay mahigpit na pinagbabawal ang paglabag sa ordinansa na mayroong multa na P400.00 dahil ang mga mahuhuli ay ie-endorso sa barangay para sa karampatang parusa.
Dahil dito, hinikayat ng LGU ang mga residente na makiisa sa pagsunod sa mga ordinansa at maging aktibong bahagi sa pagpapanatili ng kalinisan, kalusugan, at kaligtasan ng komunidad.
Pinaalalahanan muli nila ang publiko na maging mapagmatyag at iulat sa barangay o sa lokal na pamahalaan ang anumang paglabag.
Layunin ng kampanyang ito na mapanatili ang kalinisan at kaayusan ng kapaligiran sa Pozorrubio.