Mahalaga ang pagkakaroon ng last will and testament partikular na sa mga malapit ng yumao upang malaman ang kaniyang mga huling habilin at kung kanino maibibigay ang kaniyang ari-arian.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joey Tamayo, Co-anchor Duralex Sedlex ang huling habilin ay may mga kailangang requirements kung saan ang tao na magbibigay ng habilin ay dapat na nasa sound and disposing mind.
Mainam rin na kung magbibigay ito ng ari-arian ay alam niya kung sino-sino ang mga tao na tatanggap ng mana.
May dalawang uri naman ng will na tinatawag una rito ay ang notarial will at pangalawa ay ang holographic will.
Ang Notarial Will, ay isang pormal na will na kailangang masunod ang mga itinakdang legal na porma sa ilalim ng Civil Code kung saan ito naka-type o nakaprint at hindi sulat-kamay.
Habang ang Holographic Will naman ay isang simpleng uri ng will na sulat-kamay ng mismong testator.
Ang mga ito ay isang legal na dokumento kung saan isinusulat ng isang tao kung paano niya nais ipamana o ipamahagi ang kanyang mga ari-arian, kayamanan, at iba pang pag-aari kapag siya ay pumanaw na.
At ito naman ang magiging guide sa hukuman na may tinatawag na proseso kung saan patutunayan ng huling testamento na ito ay ang testamento ng namatay.