DAGUPAN CITY—Mariing kinuwestyon ni Cathy Estavillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas, ang kasalukuyang ayuda ng pamahalaan para sa mga magsasaka, na aniya’y “malayong sapat” at lalo pang pinahihina ng mabagal na distribusyon.
Ayon kay Estavillo, ang subsidiya mula sa Department of Agriculture ay inaasahang maibibigay pa lamang sa kalagitnaan ng Abril—panahong aniya’y “huli na” para matugunan ang agarang pangangailangan ng mga magsasaka, lalo na sa patubig at operasyon ng kanilang mga sakahan.
Binigyang-diin din niya na ang halagang P3,200 na subsidiya ay hindi sapat. Gayundin, ang P5,000 na oil subsidy ay hindi umano sasapat sa tumataas na gastusin sa produksyon, kabilang ang presyo ng pestisidyo at abono na kasabay ding sumisirit, bukod pa sa mahal na krudo na kritikal sa patubig ng pananim.
Batay sa tala ng Bantay Bigas at Organisasyon ng mga Magsasaka, tinatayang nasa 2.7 milyong farmers ang nasa bansa—bilang na tumutugma rin sa datos ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA.
Sa halip na umasa sa subsidiya, nanawagan siya na tutukan ng gobyerno ang tunay na ugat ng problema; ang pagtanggal ng excise tax at value-added tax sa langis, pati na ang tuluyang pagbabasura ng Oil Deregulation Law na aniya’y pangunahing dahilan ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng krudo.
Inilarawan niya ang mga subsidy bilang “band-aid solution” na hindi tumutugon sa pangmatagalang suliranin.
Nagbabala rin si Estavillo na maaaring may bahid pulitika ang kasalukuyang pagtutok sa ayuda. Aniya, posibleng ginagamit ito bilang bahagi ng patronahe lalo’t papalapit ang 2028 national elections—isang paraan umano upang makakuha ng pabor mula sa mga botante.
Sa mas malawak na pananaw, nagbabanta rin aniya ang krisis sa food sufficiency ng bansa.
Dahil dito, nanawagan ang grupo ng mas mataas na suporta—kabilang ang P50,000 production subsidy upang matustusan ang tunay na gastos sa pagsasaka at matiyak ang pagpapatuloy ng produksyon.
Iginiit ni Estavillo na panahon na upang bawasan ang pag-asa sa importasyon at magpatupad ng kongkretong interbensyon para sa mga magsasaka.
Sa kabila ng mga hamon, nananatili siyang kumpiyansa na kaya ng mga lokal na magsasaka na tugunan ang pangangailangan ng bansa—ngunit mangyayari lamang ito kung may direktang at sapat na suporta mula sa pamahalaan.










