DAGUPAN CITY- Tatlong-palapag na paaralan ang itatayo sa North Central Elementary School sa bonuan Gueset sa lungsod ng Dagupan upang matugunan ang patuloy na pagdami ng mga estudyante.
Ayon kay Agape M. Nabua, ang school principal ng nasabing paaralan, tatlong seksyon ng Grade 4 at anim na seksyon ng Grade 1 ang maaapektuhan sa implementasyon ng shifting schedule ng klase.
Kung saan ang Grade 1 ay magkakaroon ng mas maikling oras ng klase, habang ang Grade 4 ay pansamantalang gagamit ng mga silid-aralan ng Grade 1.
Gayunpaman, nilinaw ni Nabua na hindi gaanong maaapektuhan ang Grade 4 dahil ang kanilang klase ay maghapon at ang silid-aralan lamang ang babaguhin.
Tapos na rin ang demolition ng nasabing silid aralan at inaasahang sa susunod na linggo ay uumpishan na ang pagtatayo rito.
Noong nakaraang taon, umabot sa 1,279 ang bilang ng mga estudyante sa paaralan, at inaasahan na tataas o bababa ito depende sa bilang ng mga mag-eenroll sa darating na pasukan.
Samantala, inaasahang matatapos sa susunod na taon at gagamitin sa school year 2026 ang nasabing building upang may mas maayos na magagamit ang mga mag-aaral.