Dagupan City – Mariing itinanggi ni Lingayen Councilor Jonathan Ramos, Chairman ng Committee on Transportation ng bayan ng Lingayen, ang kumakalat na impormasyon na siya umano ang nag-utos sa mga tricycle driver na kumuha ng medical certificate bilang requirement sa pagre-renew ng kanilang permit.

Ayon kay Councilor Ramos, wala siyang inilalabas na anumang kautusan na nag-uutos sa mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) na magsumite ng medical certificate bago makapag-renew ng permit.

Dagdag pa ng konsehal, walang katotohanan ang mga pahayag na ipinapakalat ng ilang indibidwal kaugnay sa naturang isyu at hinihikayat niya ang mga tricycle driver na direktang magtanong sa tamang tanggapan ng lokal na pamahalaan upang maiwasan ang maling impormasyon.

--Ads--

Samantala, tiniyak din ni Ramos na patuloy na makikipag-ugnayan ang Committee on Transportation sa mga TODA upang matiyak na malinaw at maayos ang mga patakaran kaugnay sa operasyon at permit ng mga tricycle driver sa bayan.