Dagupan City – Kinuwestiyon ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang kredibilidad ni Sara Duterte matapos nitong ihayag ang planong pagtakbo bilang pangulo sa 2028.

Ayon kay Jerome Adonis, chairperson ng KMU, hindi na umano siya nagulat sa naturang anunsyo.

Gayunman, iginiit nito na wala umanong kredibilidad ang bise presidente upang tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa, lalo na’t ang kaniyang ama na si Rodrigo Duterte, dating pangulo ng Pilipinas, ay humaharap sa mga kaso kaugnay ng war on drugs na hanggang ngayon ay hindi pa umano nakakamit ang hustisya para sa mga biktima.

--Ads--

Binanggit din ni Adonis ang umano’y mga kwestiyon sa paggamit ng pondo sa ilalim ng pamumuno ni Duterte, kabilang ang isyung P125 milyon na nagastos sa loob ng 11 araw, gayundin ang P612.5 milyon na sinasabing hindi umano naipaliwanag nang maayos sa sektor ng edukasyon noong siya ay kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon.

Dagdag pa nito, maaaring nagsisilbing panakip lamang ang naturang anunsyo sa gitna ng umuusad na impeachment complaint laban kay Duterte.

Posible rin umanong gamitin ng bise presidente ang isyu upang palabasing pamumulitika lamang ang mga reklamong isinampa laban sa kaniya at upang magmukhang biktima ng sitwasyon.

Binigyang-diin ni Adonis na isa lamang umano itong “numbers game” at malayo sa tunay na kalagayan ng taumbayan.

Kaugnay naman ng pahayag ni Duterte na isa sa maaaring maging malakas niyang katunggali si Risa Hontiveros, sinabi ni Adonis na isa lamang itong political tactic upang maghati-hati ang mga kritiko.

Aniya, dapat bantayan ng publiko ang mga maniobrang pulitikal dahil maaga pa lamang ay nagsisimula na ang pagpoposisyon ng mga posibleng kandidato.

Sa huli, iginiit ng KMU na nararapat pumili ang taumbayan ng mga lider na may malinaw na plano para sa mamamayan at may kakayahang tugunan ang patuloy na suliranin ng bansa.