Dagupan City – Nanguna ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa paglalantad ng mga pangunahing suliraning kinahaharap ng sektor ng manggagawa sa ginanap na ika-114 na International Labour Conference sa Geneva, kabilang ang patuloy na kakulangan sa disenteng trabaho, at mga paglabag sa karapatan ng mga manggagawa.

Ayon kay Jerome Adonis, Chairperson ng KMU, nakababahala ang patuloy na pagdami at pagpapanatili ng child labor sa bansa.

Aniya, napipilitang magtrabaho ang maraming kabataan dahil sa kahirapan at hindi sapat na sahod ng kanilang mga magulang.

--Ads--

Ipinaliwanag niya na ang child labor ay nakaugat sa matinding kahirapan at kakulangan ng permanenteng trabaho sa bansa.

Dagdag pa niya, hangga’t hindi natutugunan ang mga ugat ng kahirapan, magpapatuloy rin ang suliraning ito.

Binatikos din nito ang umano’y pagmamanipula sa ilang datos kaugnay ng kalagayan ng paggawa sa bansa upang maitago ang mga pagkukulang sa pagbibigay ng sapat na oportunidad sa trabaho.

Samantala, ibinahagi ni Adonis ang naging resulta ng partisipasyon ng delegasyon ng mga manggagawang Pilipino sa kumperensya.

Ayon sa kanya, muling naiangat sa internasyonal na antas ang mga usapin hinggil sa paglabag sa karapatan ng mga manggagawa, partikular ang mga kaugnay ng Convention No. 98 ng International Labour Organization (ILO), na tumatalakay sa karapatan sa pag-oorganisa at collective bargaining.

Sa kanilang presentasyon, inilahad ng delegasyon ang mga kaso ng hindi pagpapatupad ng mga napagkasunduang labor agreements, ilegal na pagtatanggal sa trabaho, union busting, at ang umano’y red-tagging sa mga manggagawa at lider-unyon na nagsasagawa ng mga kilos-protesta.

Kaugnay naman ng usaping pampulitika sa bansa, sinabi ni Adonis na dapat bigyang prayoridad ng mga kinauukulan ang pagtalakay sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte, dahil ito ay may malaking kinalaman sa interes ng publiko.