BOMBO DAGUPAN – Inamin ni Jessy Mendiola na muntik na silang maghiwalay noon ng asawang si Luis Manzano.

Bagong kasal pa lang daw sila noon nang magkaroon sila ng matinding pagtatalo tungkol sa mga kaibigan ni Luis na hindi nagustuhan ni Jessy.

Sa isang vlog ni Jessy nitong September 8, 2024, naging panauhin niya ang mister na si Luis.

--Ads--

Dito ay sumalang sila sa “Truth or Dare.” Sa natanong kay Jessy ay tungkol sa muntik-muntikan na nilang paghihiwalay noon ni Luis.

Tanong sa kanya, “Describe the time you almost broke up with your spouse.”

Kuwento niya, kakakasal lang nila noon ni Luis nang mapansin niya ang ilan sa mga kaibigan ng mister.

Naramdaman niyang may masamang intensiyon ang ilan sa mga ito kay Luis kaya’t sinabi niya ang kanyang kutob sa kanyang mister.

Agad daw niya itong ipinaalam kay Luis, ngunit imbes na paniwalaan at panigan ay mas nanaig daw sa asawa ang pinagsamahan nila ng kaibigan.

Nang makapag-usap sila nang masinsinan, dito raw napagtanto ni Jessy na hindi pa handa si Luis na bumuo ng sariling pamilya dahil hindi pa siya nito kayang piliin, unahin, at ipagtanggol.

Makalipas naman ang ilang araw, tila nahimasmasan daw si Luis at humingi ng tawad kay Jessy.

Sa huli, piniling manatili ni Jessy sa piling ng mister dahil sa pagmamahal niya rito at ngayon ay mayroon na silang anak na si Peanut.