Dagupan City – Iginiit ni Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang constitutional law expert, na dapat ay isinapubliko ni dating Ombudsman Samuel Martires ang kanyang naging desisyon noong 2019 na i-reconsider o baligtarin ang dismissal order laban kay Senator Joel Villanueva na unang inilabas ni dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales.
Ayon kay Cera, bagama’t may kapangyarihan si Martires na magreconsider ng naturang kaso, ang hindi katanggap-tanggap ay ang pagtatago nito sa publiko.
Aniya, kung isinapubliko ni Martires ang kanyang naging hakbang, maaaring mas maagang nalaman ng publiko ang buong detalye ng usapin.
Dito na binigyang diin ni Cera na dapat malaman ng taumbayan ang mga ganitong usapin lalo na’t may kinalaman ito sa transparency at pananagutan ng mga opisyal.
Dagdag pa niya, ang pahayag ni kasalukuyang Ombudsman Jesus Crispin Remulla na hindi niya alam ang naging reconsideration sa kaso ni Villanueva ay tila nagpapahiwatig na nais nilang balikan at suriin muli ang naging proseso.
Inaasahan naman ni Cera na maaaring magdulot ito ng backlash o negatibong reaksyon sa tanggapan ng Ombudsman, subalit umaasa siyang hindi na mauulit sa kasalukuyang pamunuan ang mga ganitong pangyayari.
Dapat kasi ani Cera ang Ombudsman ay simbolo ng integridad, kakayahan, sipag, at tapat sa prinsipyo ng transparency.
Matatandaan na nag-ugat ang kaso ni Sen. Villanueva sa panahon na siya ay kinatawan pa ng CIBAC Party-list, matapos siyang patawan ng dismissal order ni dating Ombudsman Carpio-Morales.
Gayunman, in-adopt ng Senado sa ilalim ng pamumuno noon ni Sen. Vicente Sotto III, na siyang chairperson ng Senate Committee on Rules, ang argumento ng abogado ng Senado na tanging Senado lamang ang may kapangyarihang magsuspinde o magtanggal sa sinumang miyembro nito.










