DAGUPAN CITY- Naaresto ang isang 63-anyos na lalaki matapos maaktuhan sa isinagawang Anti-Illegal Gambling Operation laban sa ilegal na Small Town Lottery (STL) sa bayan ng Sta. Barbara.
Ayon kay PLt. Col. Michael Datuin, COP ng Sta. Barbara PNP, isinagawa ang operasyon upang higit pang paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na sugal sa buong lalawigan.
Pinangunahan ng Regional Intelligence Division ang operasyon katuwang ang Sta. Barbara Municipal Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na residente sa nasabing bayan na nahuling aktuwal na tumatanggap at nangongolekta ng taya nang walang kaukulang awtorisasyon mula sa Gaming Corporation.
Nakumpiska sa operasyon ang halagang P6,840 na bet money; mga hindi awtorisadong papel na talaan ng STL bet combinations; betting tally sheets; at result o record card ng STL winning number.
Dinala ang naarestong suspek kasama ang mga nakumpiskang ebidensya sa Sta. Barbara MPS para sa wastong disposisyon at pagsasampa ng kaukulang kaso dahil sa paglabag sa Presidential Decree 1862, na inamyendahan ng Republic Act 9287.
Binigyang-diin ng pulisya na patuloy ang koordinasyon at pinaigting na operasyon hindi lamang sa Sta. Barbara kundi sa buong Pangasinan upang hindi tuluyang makapamuhay at makapagpatuloy ang ilegal na sugal sa lalawigan.










