DAGUPAN CITY- “Walang health kung walang mental health”

Ganito binigyan halaga ni Icelle Soriano, Psychologist 3 ng Region 1 Medical Center, ang pagtuon ng pansin sa pagkakaroon ng magandang mental health ngayong 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kaniya, aniya, ang magandang mental health ay tumutukoy sa kakayanan ng isang indibidwal na maunawaan o pamahalaan ang kaniyang emosyon.

--Ads--

Binigyan diin niya na hindi ito nangangahulugang walang problema ang isang tao kundi kinakayanan nitong harapin ito at hindi tuluyang maapektuhan ng negatibong emosyon.

Ani Soriano, ngayong panimulang buwan ng 2026, mahalagang magsimula sa pagkakaroon ng magandang mental health dahil sa pamamagitan nito ay nagkakaroon ng pagtakda ang isang tao ng kaniyang layunin o pangarap.

Magdudulot ito ng mas malinaw na kaisipan, magandang relasyon, kontroladong emosyon, at mas produktibo sa pag-aaral/trabaho.

Mahalaga aniyang tandaan na ang mahinang mental health ay kadalasan nagdudulot ng ‘burn out’ at madaliang kapaguran na kalaunang magpapahirap makamit ang nakatakdang layunin.

Upang malabanan ito, isang magandang pagkakataon na mas makilala pa ang sarili at magsilbing gabay ang mga naging karanasan noong 2025.

Hindi rin dapat ipagkait sa sarili ang pagkakaroon ng “Mental Break” at ipahinga ang isipan mula sa stress.

Bukod pa riyan, hindi lahat ng problema ay kinakaya nang mag-isa at mahalagang magkaroon ng mapagkukuhanan ng ’emotional support’.

Kaugnay nito, makakatulong ang pagkakaroon ng Heart-to-Heart Talk sa miyembro ng pamilya o pinagkakatiwalaang kaibigan.