Nasawi ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa Barangay Magaspac, Gerona, Tarlac kahapon lamang.

Kinilala ang biktima na si Wilfred Agmaliw Bejara.

Ayon sa follow-up investigation ng Gerona Municipal Police Station, nasawi ang biktima dahil sa mga tama ng bala na tinamo niya sa kanang bahagi ng kanyang likod.

--Ads--

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Lieutenant Colonel Ford Sudaypan, hepe ng Gerona Municipal Police Station, sinabi niya na matagal nang bumibili ng chicken dung ang biktima sa lugar, na ginagamit bilang pataba sa Benguet.

Batay sa opisyal, posibleng ang person of interest ay isa sa mga nagkakarga ng pataba sa truck at malamang ay kilala ng biktima.

Sa kasalukuyan, ang nasabing person of interest ay “at large” o patuloy pang hinahanap ng mga awtoridad.

Lumitaw rin sa imbestigasyon na pinaniniwalaang naubusan ng pera si Bejara na gagamitin sana niya sa pagbili ng chicken dung na tinatayang nagkakahalaga ng ₱60,000, ayon sa amo ng biktima.

Samantala, pinaalalahanan ng opisyal ang publiko, lalo na ang mga nagbibiyahe sa malalayong lugar, na mag-ingat sa kanilang pera, iwasang ipakita ito sa ibang tao, at huwag basta magtiwala sa mga hindi kakilala.

Sa kasalukuyan, ang bangkay ay nasa Tawang, La Trinidad, Benguet.