Mga kabombo! Kung sa iba ay puro bubble wrap, Styrofoam at karton ang ginagamit nila bilang filler ng mga parcel.
Aba! Ibahin niyo ang isang kumpaniya sa Japan! Paano ba naman kasi, hindi lang basta-basta ang nilalagay na filler kundi-Popcorn!
Ayon sa ulat, nakilala ang Azechi Foods, isang tagagawa ng popcorn at wholesaler ng sitsirya, dahil sa kakaibang paraan nito ng paggamit ng popcorn hindi lamang bilang pagkain kundi bilang pamprotekta sa mga package.
Ang ideyang ito ay naimbento ng manager ng kompanya na si Shihoko Wada matapos makakuha ng inspirasyon mula sa isang seminar kung saan isang laptop repair technician ang gumamit ng sitsirya bilang packaging filler.
Ayon kay Wada, ang paggamit ng popcorn bilang filler ay hindi lamang nagdaragdag ng kasiyahan sa mga customer kundi tumutulong din na mabawasan ang basura.
Ang popcorn ay inilalagay sa mga malinaw na plastic bag na may nakalagay na mensaheng “not edible,” ngunit ang salitang “not” ay may guhit na nagpapahiwatig na maaaring kainin ito.
Bagamat mas mahal aniya ang popcorn kung ikukumpara sa tradisyonal na packaging fillers, nananatili itong kapaki-pakinabang dahil wala itong basura at maaari pa itong kainin.
Sa kasalukuyan, nag-aalok ang Azechi Foods ng dalawang size ng packaging – 40 grams at 13 grams – at plano nilang palawakin pa ang kanilang produkto upang mas lalong mapasaya ang mga customer.