DAGUPAN CITY- Nasawi ang isang ginang sa Brgy. Quetegan, sa bayan ng Mangatarem matapos itong maatrasan ng isang truck.

Ayon kay PMaj. Ramsey Ganaban, Chief of Police ng Mangatarem PNP, kinilala ang biktima na si Remegia Zordilla, 62 anyos, residente din ng nasabing lugar. Habang minamaneho naman ni Regie Pagarigan, 43 anyos, may driver’s license, residente ng Brgy. Bayaoas, sa bayan ng Aguillar, ang nasabing puting truck.

Lumalabas sa imbestigasyon na umaatras ang truck papalabas sa isang Ricemill nang dumaan sa likuran nito si Zordilla. Dito na umano aksidenteng nasagasaan ito at nagtamo ng mga sugat sa kaniyang ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan. Agad naman dinala sa ospital ang biktima subalit, sa kasamaang palad, ay idineklara din itong dead on arrival.

--Ads--

Samantala, matapos dalhin sa ospital si Pagarigan para kuhanan ng Medico legal ay dinala din ito sa kustodiya ng Mangatarem Police Station.

Inihahanda na rin nila ang paglaya nito matapos mapagkasunduan ng pamilya ng biktima na hindi na sasampahan pa ng kaso si Pagarigan.