DAGUPAN CITY- Nasawi ang isang Foreign National matapos bugbugin ng mga nag-iinumang kalalakihan sa Brgy. Calbueg sa bayan ng Malasiqui, Pangasinan.
Ayon sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Plt. Edison Zapanta, Chief Investigator Malasiqui PNP, kinilala ang biktima na si Ozgur Ogur, Turkish national, 40 taong gulang, may kinakasama, construction worker, at kasalukuyang naninirahan sa nasabing barangay.
Base sa kanilang imbestigasyon, nangyari ang insidente kamakailan lamang, nag-iinuman umano sina Cesar Rosario at Dadoy Palaganas at apat pa na ibang kalalakihan sa likod ng inuupahang bahay ng biktima. Nang lumabas si Lovely Heart, ka-live in partner ng biktima, para magsabit ng tuwalya ay hinila raw siya at ininsulto kaya agad na nagsumbong sa biktima pagkarating nito sa kanilang inuupahang bahay.
Nang mapag-alaman ito ng biktima ay hinarap niya ang mag suspek, nagkasagutan muna ang mga ito hanggang sa nauwi sa suntukan na umabot sa pambubugbog sa kanya.
Agad na dinala ng kaniyang live-in partner sa ospital ang biktima dahil sa pananakit ng kaniyang tiyan, kung saan naconfine ito ng 10 araw kung at sumailalim sa isang operasyon, subalit kalaunan ay binawian din ng buhay.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga kapulisan ukol sa nasabing insidente.
Samantala, ay naisampa na ang kasong murder laban sa mga suspek na kasalukuyang pinaghahanap pa ng otoridad.