DAGUPAN CITY- Nasunog ang isang dalawang-palapag na bahay sa Brgy. Caranglaan, Dagupan City, Pangasinan bandang alas-6 ng gabi, kasabay ng pag-ulan.
Tinatayang sampung katao mula sa dalawang pamilya ang naninirahan sa bahay, ngunit wala sa oras ng insidente.
Ayon sa saksi, agad siyang humingi ng tulong sa mga kapitbahay. Naitawag ito sa barangay, CDRRMO, at BFP ng lungsod at kalapit-bayan.
Nagtulong-tulong naman ang mga residente habang hinihintay ang mga rumespondeng awtoridad.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagsimula ang apoy sa likod ng bahay, posibleng sa kwarto o kusina, at pinaniniwalaang sanhi ng faulty wiring.
Gawa sa konkreto ang unang palapag at kahoy ang ikalawa, kaya’t mabilis kumalat ang apoy.
Samantala, walang naitalang nasaktan sa insidente maliban sa ilang asong naiwan.
Patuloy ring tinataya ang kabuuang halaga ng pinsala.
Nagbigay na ng paunang tulong ang barangay at inihahanda ang dokumentasyon para sa posibleng ayudang pinansyal.
Itinuturing ng barangay na isang isolated case ang insidente.